Thursday, March 12, 2009

Bayaning OFW

Napagpasyahan kong dumaan sandali sa grocery dahil malapit na maubos ang gatas ng mga anak ko. Sa kinalaunan, lumabas akong may bitbit na dalawang bag na puno ng tinapay, chichiria, magazine, tissue, shampoo, at kung anu-ano pang bagay bukod sa sadya ko. Halos isang libo inabot. Grabe, mahal na talaga at mabilis na ngayon ang pera. Tuloy, sinabihan ko ang aming kasambahay sa pamamagitan ng text na sa bahay na ako kakain ng tanghalian para medyo makatipid naman ng konti. Yun ay kahit na natatakam na ako sa chickenjoy sa kalapit ng grocery. Naisip ko, pagtiyagaan ko na ang ulam na giniling na may patatas, tutal yun din ang kakainin ng mga anak ko.

Bitbit ang dalawang plastic bag, sumakay ako sa taxi at tumingin sa labas ng bintana habang sinusuyod namin ang trapik. Sa may malapit-lapit na sa amin, dumaan kami sa isang hilera ng mga recruitment agencies. Doon ko nakita ang napakaraming tao, karamihan mga lalaki, pero meron ding ilang mga kababaihan. Mga nag-aantay sa labas ng opisina, marahil inabutan ng lunch break. May ilang mga mama ang nakasandal sa isang pader at mabilis na kinakain ang mga banana cue nila. Naisip ko tuloy… tanghalian kaya nila yun?

Habang pinagmamasdan ko ang mga tao – merong nakaupo sa sidewalk, meron nakatayo, meron nagpapaypay dala ang kanyang manila envelope, merong nagbibilang ng pera sa pitaka – isang bagay ang sa kanila ay kapansin pansin. Merong lungkot na mababasa sa kanilang mga mukha. Hindi lamang lungkot kundi pagod, pag-aalala, “desperation”. Di ko maisip kung anong salitang Tagalog ang higit na makapagsasalarawan sa kanila.

Naisip ko napakapalad ko pala. Maayos at matibay pa sa ngayon ang kumpanyang pinagtatrabuhan ng aking butihing asawa. Mayroon akong tagapagluto sa bahay at pagdating ko ay mauupo na lamang ako dahil may nakahain na. Salamat at di ko kinakailangang iwanan ang aking pamilya at mangimbayang bayan para lamang mabuhay ng maayos ang aking mga anak.

Sana mabigyan ng pamahalaan ng lunas ang kawalan ng oportunidad sa ating bansa. Kundi sana ninanakaw ng mga pulitiko ang ating kabang-bayan ay mas maginhawa siguro ang katatayuan ng madami sa atin. Pambihira talaga. Wala nang ibang maitulong at magawa kundi ang tawagin silang “bayaning OFW” at bigyan ng prioridad sa pag-check in sa airport. Hanggang doon na lamang.

No comments: