Wednesday, September 30, 2009

Malling sa Panahon ng Ondoy

Dahil sa perwisyong dulot ni Bagyong Ondoy, walang pasok ang mga bata ng isang linggo. Kaya kahapon, pinadalhan ko ng text ang aking asawa. Sabi ko, ano kaya kung dalhin namin sa playground sa Mall of Asia ang mga bata? Ilang araw na kasi silang nakakulong dito sa bahay. Maganda rin siguro na makalabas sila, makatakbo ng konti, makapag-release ng pent-up energy. I thought it was a great idea. Pumayag din ang aking asawa.

Papalapit pa lang sa MOA, na-realize ko na na parang hindi pala ganun kaganda yung idea ko. Kokonti ang lamang sasakyan ng open parking. Pagdating sa multi-level parking, medyo mas marami-rami. Natawa ako ng konti at naisip ko, ah, takot na ang mga tao mag-park sa baba. Nanumbalik sa isip ko ang mga kakatakot na imahe ng paglutang ng mga sasakyan sa parking space ng UERM. Nakaligtas kaya yung babaeng umakyat sa bubungan ng SUV n’ya habang dinadala ng alon?

Pagpasok sa mall, agad kong na-realize na parang hindi talaga magandang idea ang pagpunta doon. Parang hindi tama ang mamasyal. Kani-kanina lamang ay halos maiyak ako sa mga kwento na nakita ko sa balita – mga magulang na nawalan ng maliliit na mga anak, bayaning nalunod sa pagod matapos magligtas ng mahigit 30 katao, mga pamilyang pilit hinuhugasan ang putik sa kanilang mga kagamitan. Hindi tama na andito kami sa mall.

Naglakad-lakad lang kami. Kapansin-pansin ang tamlay ng mga establishments. Hindi namin maatim na tumingin ng mga damit o sapatos. Ang aking asawa, panandaliang sumilip sa tindahan ng mga bagahe, pero madali ring lumabas.

Binilhan namin ng tig-isang Swirly Bitz ang mga bata sa Jollibee. Kaming mag-asawa ay nagsalo sa isang maliit na baso ng Coke at isang piraso ng Krispy Kreme donut. Lahat ng tira ng mga bata ay aming sinimot. Nang magturo ng laruan ang mga bata, hindi namin pinagbigyan at sa halip ay ipinaliwanag ang kalunos-lunos na kalagayan ng ibang mga tao. Hindi ko alam kung naintindihan nila.

Maya-maya lang, matapos nilang maghabulan sa may mga makukulay na upuan, nagpasya na kaming umuwi. Okay na rin siguro na nagkaroon ng kaunting semblance of normalcy ang mga bata. Ilang araw nang maghapon nilang napapanood ang mga imahe ng baha sa balita. Pero nagpasya kaming mag-asawa na magpadala ng kaagarang tulong sa isang tiyuhin namin na nasalanta ng baha.

No comments: