Kanina, pagkagaling namin ng anak kong limang taong gulang sa kanyang barbero, dumaan kami sa Dunkin’ Donuts bago maglakad pauwi. Pagkakain ng hapunan, kumuha ako ng platito at nilagay ang aking paboritong Nutty Choco, sabay hablot ng isang tinidor. Biglang nanumbalik sa akin ang mga alaala ng panahon noong high school na kumain kami ng isang kaklase sa Dunkin’ sa may National Bookstore sa Quezon Avenue.
Ibang-iba pa noon. Una, ang Dunkin’ merong dine-in kahit na puro donut, croissant at kape lang ang tinda. Nakakatuwa noon kasi parang feeling ko espesyal kahit na donut lang. Wala pa kasing Dunkin’ sa probinsya namin noon e. Tapos, sine-serve ang donut sa isang babasagin na platito at tunay na tinidor (hindi plastic o disposable). Meron ata akong Coke noon. Malaki-laki pa noon yung donut at yung chocolate ibang klase, hindi tunaw. O baka dahil sa aircon ang loob di gaya ng binilhan namin ngayon.
Kaligayahan ko talaga noon ang mag-ikot-ikot lang sa National Bookstore (NBS). Tingin tingin lang ng mga pad, ballpen, Jingle magazine, at kung anu-ano pa. Naalala ko na kahit wala naman ako masyadong binibili noon kundi paisa-isang ballpen at konting scratch paper, masaya ako sa paggagala sa loob. Inaabot ako ng mahigit isang oras. Pinakamatagal ata ako noon sa pag-browse sa may mga greeting cards, lalo na sa may Between Me and You. Nagpapaka-senti at nangangarap… kailan kaya ako makakatanggap ng ganito?
Tapos iba pa yung lugar na pinapaligiran ng NBS. Di pa ganun kalaki yung NBS, tapos meron mga ilang hakbang pababa bago makarating sa loob. Sa may paligid at bungad, andun ang iba’t ibang mga tindahan. Meron pa ngang Bread Connection noon at favorite namin ng bestfriend ko yung round bacon, sarap. Tapos sari-saring mga shops sa paligid… meron parlor kung saan naaalala ko ay shocked ako nang sinamahan ko ang isang kaibigang taga-Cagayan de Oro na magpagupit doon tapos nadiskubre ko na 80 o 90 pesos ang gupit! Kasi naman 1989 pa ito no, sobrang mahal! Minsan bumibili din ako ng guitar string or pick sa isa sa mga shops doon.
Tapos meron isang shop sa sulok na nagtitinda ng mga gamit pang-magic tricks. Tapos sa harapan ng NBS mismo, ,meron Gift Gate at kahit pa ang hindi kalakihan ang baon ko at ballpen lang naman ang afford kong bilhin noon, pasok pa rin ako. Pag may bagong ballpen na Sanrio,, ay ang saya! Excited na pumasok sa school kinabukasan at mag-notes.
At pag medyo malaki-laki ang naipong baon, hala. Tatawid ng Quezon Avenue papunta sa McDo para kumain ng fried chicken. Meron pa silang promo noon na pag “doubles” ang meal na in-order (meaning 2-piece chicken with rice), meron extra piece. 2 + 1 ang tawag. Tapos large coke. At ubos ko yun ha. Grabe, katakaw! Growing kid, pagbigyan na natin.
Hay, tumatanda na yata talaga ako. Mid-life crisis na nga yata talaga ‘to. Napapansin ko kasi na pag walang magawa, ang utak ko ay parating napapadpad sa mga nakaraan ko… mga ala-ala ng pagkabata sa aming probinsya or madalas, mga alala ng high school. Masaya noon. Wala pa masyadong mga alalahanin. Napaka-carefree. At madaming mga “exciting” na pangyayari, kahit pa mga simpleng kakiligan lang sa isang dosena kong mga crush. Asan na kaya mga yun?
No comments:
Post a Comment